RSS

Transaksyon

29 Nov

Isang malakas na sirena ang umalingawngaw sa buong provincial capitol compound ng Quezon. Ganap na ika-lima na ng hapon. Dali-daling nagpulasang parang mga langgam ang mga empleyado, baktot ang kani-kanilang mga personal na gamit—body bag, shoulder bag, dalang pinamalengke, at mga dalang panindang installment ang bayaran palabas ng kanilang lungga na animo’y napupuno ng tubig. Kanina pang naghihintay at balais ang bawat isa sa pagdating ng oras na pinakahihintay—ang oras ng labasan.

Sumakay ako ng jeep na byaheng SITE patungong SM City Lucena kung saan naghihintay ang aking maybahay. Naupo ako sa kanang bahagi ng jip sa bandang dulo malapit sa pintuan nito. Kakaunti lamang ang lulan ng nasabing jeep. Sa bandang kanan ako naupo, katabi ang isang medyo may edad na babae na may dalang malaking payong at pamalengkeng bag at isang mama ang kasunod habang sa bandang kaliwa nakaupo ay isang binata at ang mamang driver lamang sa unahan. Nang may di kalayuang nakakausad ang jeep, pumara ang babaeng aking katabi na di kailang siya ay mamamalengke. Muling umusad ang jip sa kahabaan ng daang palengke. Mabagal ang pag-usad nito sapagkat matindi ang traffic dito kapag hapon lalo na kung alas-singko na dahil karamihan ng manggagawa mula sa publiko at pribadong sector ay uwian na pati na rin ang mga estudyante nagsisiuwian mula sa kani-kanilang paaralan.

Tahimik ang buong jeep. Ang tanging naririnig ko lamang ay ang makina nito at ingay na nagmumula sa labas ng jeep—ang ingay ng buong palengke at mga sasakyan. Katapat ng isang mama sa upuan ang binatang nakaporma ng short sleeved checkered na polong navy blue, khaking cargo shorts na hanggang tuhod, at asul na tsinelas na islander. Maputi ang binata, may kagwapuhan at may kulay ang buhok. May hawak siyang pulang cellphone na Nokia 2100. Maya’t maya ang tingin ng binata sa kanyang cellphone at panakanaka’y susulyap sa mamang katapat na tila may nais sabihin. Di ko mawari kung sila ay magkasamang sumakay sapagkat nauna sila sa jeep kaysa sa akin.

Patuloy sa pag-usad ang jip at panakanaka’y tumatapak ang tsuper sa kanyang preno sa kadahilanang may kasikipan ang daang palengke. Di mapakali ang binata sa kanyang kinauupuan. Patuloy sa pagpindot ng kanyang cellphone at pagsulyap sa mamang katapat. Ang mama ay medyo may edad na rin. Maskulado ang pangangatawan at may kulay ang buhok na medyo manipis na. Mukhang militar. Nakasuot ng dark blue na muscle shirt, dark blue shorts at tsinelas na blue. Natawag ko tuloy sya sa aking isipan na “Mamang Blue”. Napansin ng mama ang pagsulyap ng binata. Nagtama ang kanilang mga tingin. Tila nangungusap ang kanilang mga mata. Batid ko sa kanilang mga kilos na napabatid nila ang kanilang mga nasa isipan. Kinakabahan ako. Di ko maipaliwanag. Ang mama ay mukhang militar dahil sa anyo at kilos nito. Ang binata nman ay mukhang may kapilyuhan. Alisto ako sa mga mangyayari kung sakaling may di kanais-nais na magaganap sa loob ng jeep. Lumingon sa bandang kaliwa niya ang mama patungo sa direksyon ng aking kinauupuan. Mabalasik ang titig. Lalong tumindi ang kabog ng aking dibdib. Hinanda ko ang aking sarili sa ano mang mangyayari.

Patuloy pa rin sa pag-usad ang jeep. Kumilos ang mama. May kinapa sa kanang bahagi ng kanyang katawan gamit ang kanang kamay. Kinabahan ulit ako. Napawi ang aking nerbiyos ng makita kong hawak niya ang isang pulang nokia 7610 cellphone. May nagtext! Nawala ang katahimikan at tension sa loob ng jeep ng biglang umusal sa bibig ng binata ang mga salitang “saan ka pupunta?”. Napawi ang kaba ko. Magkakilala pala ang dalawa. Nagsalita ulit ang lalaki. “Ano nga ang number mo?”. Kaagad na inabot ng binata ang kanyang cellphone sa mama upang ilagay ang mobile number nito. Pinindot ng mama ang mga number sa keypad ng cellphone ng binata. “Ano nga name mo?” usal ng binata sabay abot ng cellphone mula sa matanda. Nagulat ako. Mali pala ang aking akala. Hindi magkakilala ang dalawa. Sumagot ang mama sa tanong ng binata “Gary! Call me Mama Gary”. Lumaki at namilog ang aking mga mata sa aking narinig. Tinitigan ko ang mama at napansin ko ang mahabang payong at ang beauty kit sa kanyang tabi. Lingid sa aking kaalaman ay isang transaksyon pala ang nagaganap sa loob ng jeep. Ang lalaki ay isang “call boy” at ang mama ay isa palang “mama sang”. Nakita ko ang pinto ng SM at pumara ako sabay baba ng jeep sinasakyan. Nakarating na pala ako sa aking pupuntahan ng di namamalayan.

 

Advertisements
 
Leave a comment

Posted by on November 29, 2010 in Life's Journey

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: